Relihiyoso sa Katagalugan, tutol sa aerial bombing sa Batangas City

Noong Setyembre 24, 2017, bandang 9 ng umaga, nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng mga sundalo at pinaghihinalaang miyembro ng NPA sa tri-boundary ng mga barangay ng Cumba, Talumpok Silangan at Talahib Pandayan, pawang nasasakupan ng Batangas City.

Batay sa salaysay ng mga mamayan ng Talumpok Silangan nang kami ay magtungo roon noong Setyembre 26, may malalakas na pagsabog silang narinig na inakala nilang pagkulog lamang. Subalit, dahil naging sunud-sunod ang mga pagputok at umikut-ikot ang isang helikopter sa Mt. Banoy, napagtanto nilang ang ingay ay mula pala sa aerial bombing na ginagawa ng militar.

Ayon sa isang residente, nagkaroon ng mga usap-usapan na kailangan nilang maghanda ng mga personal na gamit para sa posibleng paglikas anumang oras. Sinabihan daw niyang huminahon ang lahat at manalangin sa Diyos na hindi sila pabayaan. Sa awa ng Panginoon, wala namang nangyaring masama sa kanila. Nagpasalamat ang nasabing residente sa pagpunta namin sa kanilang lugar upang alamin ang kanilang kalagayan.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Batangas Integrated Human Rights Advocates o BIHRA, nagkaroon nga ng labanan sa pagitan ng NPA at 202nd Infantry Brigade ng Philipine Army at Air Force. Napag-alaman din nila na mayroong nasawi sa mga NPA, at magpahanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nakukuha ang mga labi sa pinangyarihan ng engkwentro.

May balita na dalawang sibilyan ang napatay sa engkwentro, at kinukumpirma ang isa pang ulat na may isang bata na nahagip ng aerial bombing. Nasa 400 pamilya ang lumikas mula sa iba’t ibang barangay sa palibot ng Mt. Banoy at 15 eskwelahan ang nagkansela ng pasok.

Kami bilang mga taong-simbahan ay naliligalig sa ganitong kaganapan, dahil nasaksihan namin ang hagupit ng air strikes sa Marawi — nasa tatlongdaang-libong katao ang lumikas at halos madurog ang magandang siyudad.

Ang pagkabahala namin ay nakaugat sa aming pananampalataya, na nagsasabing sa halip na gera ay dapat payabungin ang kapayapaan na nakabatay sa katarungan. Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsabing walang nanalo sa gera sa Marawi: Marami ang namatay sa panig ng parehong mga sundalo at Maute group. Sa pagsugpo sa mga rebeldeng grupo, hindi rin maiiwasang madamay ang mga sibilyan, lalo na ang mga bata, kababaihan at matatanda na bulnerable sa kapahamakan.

Dahil dito, nanawagan kami na kilalanin ang mga rules of engagement tulad ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) upang maiwasan ang paglabag sa karapatang pantao. Amin ding hinihiling na huwag gumamit ng aerial bombing upang hindi kami maghinala na ang kaguluhan ay isang taktika upang ideklara din ang batas militar sa buong Luzon.

Sa halip na makipag-gera ay dinggin sana ng pamahalaan ang lehitimong karaingan ng mamayan sa pagtatangol sa lupa mula sa dayuhang pagmimina, lalo na’t kasalukuyang may mga nakabinbing aplikasyon para sa mga lugar na nasasangkot.

Ang Justice, Peace and Integrity of Creation ng Southern Tagalog Ecumenical Movement at ang kasapian ng Batangas Ecumenical Movement ay nanawagan sa ating Pamahalaan at sa National Democratic Front na ituloy ang usaping pangkapayapaan upang lutasin sa mapayapang paraan ang ugat ng kahirapan na siyang nagiging dahilan ng rebelyon at pag-aaklas ng mga mamayan. Patuloy nating itaguyod ang kalinangan ng buhay na ipinagkaloob sa atin ng Diyos.

Mateo 5:9: “Mapalad ang mga gumagawa paraan para sa kapayapaan, sapagkat sila’y ituturing na mga anak ng Diyos.”

Pastor Edwin R. Egar
Chairperson
Justice, Peace and Integrity of Creation
Southern Tagalog Ecumenical Movement (STREAM)

Chairperson
Batangas Ecumenical Movement (BEM)