‘Katarungan para kina Erning Aykid, Aylan Lantoy!’ – IFI Romblon-Mindoros

“Bigyan ninyong katarungan ang mahina at ulila, at huwag ninyong aapihin ang mahirap at may dusa.” (Awit 82:3)

Ang Iglesia Filipina Independiente (IFI) Diyosesis ng Romblon at Mindoros ay mariing kumukondena at sumisigaw ng hustiya sa karumal-dumal na pagpaslang kina Kagawad Erning P. Aykid at Aylan Lantoy. Naganap ang krimeng ito noong Setyembre 15, taong kasalukuyan, sa Benli, Bulalacao, Oriental Mindoro. Ganap na 6 ng umaga nang huling makitang umalis si Kagawad Erning ng kanilang bahay sa Sitio Silad patungong Benli Proper upang dumalo sa special session ng nasabing barangay, na di-umano’y hindi naman natuloy. Dahil sa hindi natuloy, napagkasunduan ng dalawang kagawad na pumunta na lang ng bayan para bumili ng gamot ng apo ni Kagawad Erning at makapasyal sa ginaganap na palaro ng District Meet. Bandang alas-onse ng umaga nang sila ay umakyat ng Benli, at doon na sila tinambangan at pinagbabaril ng mga lalaking nakasakay sa motorsiklo hanggang sa bawian ang mga ito ng buhay.

Si Kagawad Erning ay aktibong miyembro ng IFI sa Silad, isang lay minister na nakapagbigay ng lupang mapagtatayuan ng simbahan, sementeryo, maging ng paaralan sa Silad; at isang tagapagtaguyod ng karapatang pantao at pagkakapantay-pantay. Ayon sa anak nito, matagal na di umanong pinaghihinalaan ang kanyang ama na may kaugnayan sa maka-kaliwang grupo. Bukod dito’y nagkaroon na rin ng panloloob sa kanilang tahanan sa paghihinalang may mga itinatagong mga baril, mga akusasyong puro naman kasinungalingan. Nagbigay dahilan ang mga akusasyong ito upang pag-initan si Kagawad Erning. Ayon pa sa anak nito, nagkaroon na rin ng banta ang kanyang ama dahil sa pagtatanggol sa karapatan ng kanyang kapwa katutubo.

Saksi ang IFI Diyosesis ng Romblon at Mindoros sa kagustuhan ng mga katutubong ito sa pantay na karapatan. Ang simbahan ang siyang nagbigay sa kanila ng panibagong siglang mayakap muli ang pag-asa at pananampalatayang sana noon pa’y nakilala na nila. Nagkaroon na ng ugat ang punong itinanim ng simbahan sa mga katutubong ito at ang bunga’y atin nang pinakikinabangan, katulad ni kagawad Erning — isang bungang pagmumulan pa sana ng ibang punong uusbong sa kanilang ministriya at pananampalataya ngunit niyurakan at pinatay lang nang walang kadahi-dahilan. Nasaksihan natin ang paglipad ng mga katutubong ito patungo sa kanilang mga pangarap at ang unti-unting pag-angat nila; ngunit sa isang iglap tila bumabalik na naman ang dating bangungot na nilimot at inilibing na ng lahat.

Hindi na natin nais na may bunga pang yuyurakan sila: Kaisa ang simbahan sa muling pagbangon ng mga katutubo; kaisa rin nila tayo hanggang sa huling laban nila sa pagsigaw ng hustiya!

“Bigyan ninyong katarungan ang mahina at ulila, at huwag ninyong aapihin ang mahirap at may dusa.” (Awit 82:3)

“Nais lamang ng mga katutubong ito ng pantay na karapatan, may masama ba roon? meron ka, meron sila, meron tayong lahat, nawalan ‘ka’ ba?” (Mt. 20:13-15)

Ang lahat ng nilikha ng Diyos ay higit pa kaysa sapat para sa ating lahat. Ngunit bakit nagkaganito, nawalan ang karamihan at nagkaroon ang iilan? Matagal nang nakita ng simbahan ang ganitong uri ng kalakaran, at dito isinilang ang ating halos isandaan at labinlimang taong sigaw at patutunguhang maglingkod para sa Diyos at sa bayan. Hindi bibitaw ang simbahan sa hangaring ito. Ipagpapatuloy natin ang pagbibigay-buhay sa mga Salitang banal at kinasihan ng Espiritu Santo, mga Salitang nagbibigay sa atin ng kahulugan at kabuluhan.

“Bigyan ninyong katarungan ang mahina at ulila, at huwag ninyong aapihin ang mahirap at may dusa.” (Awit 82:3)

Hindi malilibing ang adhikain ni Kagawad Erning sa pagtatanggol sa karapatan ng mga katutubong Mangyan. Magpapatuloy ang buhay ng adhikaing ito sa tulong ng ating Diyos.

Ipagpatuloy ang usaping pangkapayapaan para sa isang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan!

Itigil ang walang-pakundangang pagpatay!
Itigil ang militarisasyon sa kanayunan!
Katarungan para kina Kagawad Erning P. Aykid at Aylan Lantoy!

Kaisa ng mga katutubong Mangyan para sa Hustiya,

Rt. Rev. Ronelio V. Fabriquier
Obispo ng ROOM
Ika-3 ng Oktubre 2017