Ang pitong huling wika ni Kristo sa krus (Mga pagninilay)

UNANG HULING WIKA

Mr. Jondave Angeles

Iglesia Evangelica Metodista En Las Islas Filipinas

 “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” (Lucas 23:34)

Pagpapatawad, tugon sa sa mga namamanglaw.

Sa panahon kung saan ang impormasyon ay abot kamay ng marami lalo na sa kalunsuran, na sa isang pindot lang ay maaari nang makasagap ng iba’t ibang balita. Halo-halong “sources” ng mga napapakinggan at nababasa, mga napapanood at nasasagap. Ang kinakaharap natin ngayon ay sa kabila ng lahat ng ito, hindi na halos natin ma-classify ang totoo at hindi.  Dumarami na rin ang mga kababayan natin na naniniwala sa mga “Fake News” na kadalasan ay nagiging basehan na rin ng kanilang “Katotohanan”. May mga inosente rin na dahil sa kakulangan ng tamang kaalaman at impormasyon ay nagiging bahagi upang isadlak ang iba sa mabibigat na kalagayan at kapahamakan.

Sa mga katagang “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang  ginagawa” ay nagpapakita ng “intercession” ng Panginoong Hesus sa mga nagsakdal at nagpataw ng kaparusahan sa kanya at sa Panginoon. Mahihinuha natin na alam ni Hesus na hindi lubos na nauunawaan ng mga taong ito ang kanilang mga ginagawa. Sa kabila ng mga pasakit na kanyang naranasan, pinili niya pa ring ipadama at maging tulay ng kapatawaran sa kanilang mga namamanglaw sa kadiliman.

Sa panahon ng pandemyang ito at ibat-ibang kaguluhan sa ating bansa, patuloy tayong manalangin para iba na nangangailangan ng kaliwanagan ng katotohanan, na sa kabila ng kanilang mga kamalian, ay ilapit natin sila sa Diyos na makasumpong ng kaliwanagan. Tayo rin na minsa’y nakakaranas ng mga ganitong kalagayan ay makasumpong din ng kapatawaran at habag ng Diyos.

“Darkness cannot drive out darkness; only light can do that. Hate cannot drive out hate; only love can do that”.

– Martin Luther King, Jr.

Panalangin:

Panginoon, tulungan niyo po kaming matuto na magpatawad, kung papaanong kami ay iyong pinatatawad. Maipadama nawa namin sa iba, na sa kabila ng aming kahirapan at kahit na kami ay nakakaranas ng mga kasakitan at pighati, pipiliin pa rin naming na magmahal at ilapit ang mga nagkakasala sa amin. Gayundin, dalangin namin na patawarin niyo din po kami kung kami ang nakagagawa ng mga pagkakasala. Purihin ang Diyos na Buhay!

 

IKALAWANG HULING WIKA

-Pastor J-ar Reyes

Iglesia Unida Ekyumenikal

At sumagot siya, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ngayon ikaw ay makakasama ko sa Paraiso” (Lucas 23:43)

Paraiso… salitang nagbibigay ng isang magandang larawan ng pag-asa, isang kaaya-ayang imahinasyon para sa mga taong nakakaranas ng hirap o kalagayang nasa pagitan na ng buhay at kamatayan.

Si Lucas ay kilalang isang lingcod-bayan bilang isang manggagamot at kaya naman hindi nakapagtataka na tampok sa Ebanghelyong kaniyang isinulat ang mga pananaw hinggil sa Diyos, sa mga pangyayari at karanasan, sa mga talinghagang sinambit ni Jesus, at maging sa mga huling wika ni Jesus ay tunay na nakabatay sa lente ng mga maralita. Ilan lamang dito ay ang kapanganakan ni Jesus na ayon kay Lucas ay unang ipinahayag sa mga maralitang pastol. Ang mga kwento sa Biblia na popular sa mga bata tulad ng Good Samaritan, the Prodigal Son, ang mayaman at si Lazaro, si Zaqueo at marami pang iba ay hindi basta mga kwento lamang. Inihahandog ni Lucas, sa pamamagitan ng mga kwentong ito, ang pag-ibig ng Diyos para sa mga aba, api, naliligaw, at hindi pinahahalagahan ng lipunan. Ipinahahayag ni Lucas ang Diyos na laging nasa panig ng mga mahihirap. Kaya’t hindi rin naman nakapagtataka na si Jesus hanggang kamatayan ay nanatili sa panig ng mga mahihirap.

Sa mga Tagalog at English Bible translations, tinawag ang dalawang nakapakong kasama ni Jesus sa krus na mga magnanakaw, thieves o robbers. Subalit ganun ba kalaki o kabigat ang kanilang mga ninakaw para sila ay ipako sa krus? Ang parusang pagpako sa krus ay ginawa ng mga Romano para sa mga kalaban ng estado. Samakatuwid, hindi sa kasong pagnanakaw napako sa krus ang mga nakasama ni Jesus kundi mga taong sinitensyahan bilang mga rebelde. Ang salitang pinagmulan ng translation na ito ay ang Greek word na lestes, ang kahulugan ay rebel o rebelde. Ang mga rebelde sa panahon ni Jesus ay kadalasang mga magsasakang tinanggalan ng karapatan o mga aliping tumakas mula sa kanilang mga mapang-aliping panginoon. Ang mga mahihirap at aliping na naghahangad ng kalayaan mula sa hirap na kanilang nararanasan ay pinarusahan bilang mga rebelde na kalaban ng estado.

Sa ating panahon, maraming tao ang naghahangad din na tamasahin ng lahat ang karapatang pantao at magkamit ng tunay na paglaya, hindi lamang ng sarili kundi ng buong bayan mula sa pang-aalipin, mula sa diktadurya, mula sa mapaniil na sistemang umiiral, at mula sa kamay ng mga makapangyarihan sa lipunang nag-aaring sila ay diyos. Ilang linggo lamang ang nakalilipas, ang Calabarzon ay dumanas ng pandarahas at pagpatay. Pinatay ang mga kababayan nating inakusahang mga rebelde, kahit na ang katotohanan ay sila’y mga nagtatanggol sa karapatan ng mga taong walang ibang inaasahan kundi ang Diyos. Unti-unti nilang pinapatay maging ang pag-asa ng mamamayan sa tunay na paglaya, sa pagtatamasa ng wastong karapatang pantao, at pagkamit ng buhay na ganap at kasiya-siya. Subalit ang walang awang pagpatay kina Manny Asuncion, Chai Evangelista, Ariel Evangelista, Makmak Bacasno, Greg Dasigao, at iba pang mga Pilipinong tagapatanggol ng karapatan ng buhay ng tao ay lalo pang nagpapaigting at nagpapaalab ng pagkakaisa ng bayan sa pagtatanyag ng buhay na kaloob ni Cristo para sa lahat.

Si Cristo Jesus ay namatay at nag-alay ng sariling buhay upang ang sanlibutan ay maligtas at magkamit ng biyaya ng buhay mula sa Diyos. Hanggang kamatayan, tinaglay ni Jesus ang pag-ibig ng Diyos na nananatili sa panig ng mga inaapi, wika ang pangakong “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ngayon ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.” Sa pagpapatuloy ng pakikibaka sa buhay at sa gumagawang pananampalataya sa Diyos, hindi ka nag-iisa, kaisa natin at kasama natin si Cristo sa paglalayag tungo sa kaganapan ng pangakong Paraiso ng Diyos. Sa mabuhay man o sa mamatay, hindi ka nag-iisa, kasama natin ang Diyos na Manlilikha, Manunubos, at Mang-aaliw. Amen.

ANG IKATLONG HULING WIKA

-Ms. Irish Caudro

Episcopal Church in the Philippines

Pagkakita nga ni Jesus sa kanyang ina, at sa nakatayong alagad na kaniyang iniibig, ay sinabi niya sa kaniyang ina, Babae, narito, ang iyong anak! Nang magkagayo’y sinabi niya sa alagad, Narito, ang iyong ina! At buhat nang oras na yaon ay tinanggap siya ng alagad sa kaniyang sariling tahanan. (Juan 19:26-27)

Si Hesus ay namatay sa Krus, upang matubos tayo sa ating mga kasalanan at magkaroon ng buhay na walang hanggang. Nais nya na hindi mawala ang koneksyon natin sa Diyos, sa kabila ng ating mga kasalanan.

Ang ikatlong huling salita ni Hesus ay ipinatungkol nya sa ating mga tao. Hinabilin nya tayo sa bawat isa, bilang mga anak at magulang upang magtulungan at magdamayan.

Bilang isang malaking pamilya na mananampalataya kay Kristo, itinuturo sa atin ng ating Panginoon, nasa sa tuwing nangangailangan ang ating kapwa ay handa nating iabot ang ating mga kamay, upang sila ay damayan sa kanilang paghihirap, mga pighati, pangungulila at kawalan ng pag-asa. Ihatid natin ang pagmamahal ng Diyos sa kanila, upang magkaroon muli sila ng lakas, pananampalatay at buhay.

Tayo nga ay nilikha ng Diyos na may layunin sa mundo, kaya tinatawagan tayo ni kristo upang gampanan natin ang ating misyon na magpahayag ng salita ng Diyos, upang magbigay ito ng pag-asa sa iba.

Ngayon sa panahon ng pandemya, na marami sa atin ang nawalan ng trabaho, nagugutom, nawawalan ng hustisya, namatayan, nagkaroon ng sakit at sa mga taong nanatili ngayon sa kanilang mga tahanan bunsod ng Lockdown, ay huwag nawa tayo mahiyang lumapit sa ating Panginoong Diyos, upang tayo’y kanyang kalingan ng kanyang pagmamahal. Maging matatag nawa tayo sa ating pananampalataya sa kanya, upang ang lahat ng ito ay mapagtagumpayan natin sa ating buhay, at maging instrumento din tayo sa mas nangangailangan ng tulong, katulad ng pagkalinga ng Diyos sa atin, nawa ay ihayag din natin sa kanila ang Diyos na mapagkalinga.

Tayo nga ay iisang pamilya na handang magkaisa at magtulungan upang ang layunin ng Diyos sa ating mga buhay ay maganap, katulad nga ng paghahabilin niya sa kanyang ina at sa kanyang alagad, na kahit mawala sya ay hindi niya hinayaan na sila ay mangulila. Bagkus, sa pamamagitan ng bawat isa ay maramdaman nila ang pag-ibig ni Kristo.

Kaya ang hamon sa ating mga kristyano, paanu nga ba natin mapapakilala si Kristo sa iba?

Buong puso nawa nating yakapain ang ating misyon upang ang mundo ay magkaroon ng buhay na ganap at kasiya-siya.

Napakagandang tingnan ang mga mamamayan ng Diyos na namumuhay nang may pagkakaisa” (Salmo 133:1)

IKA-APAT NA HULING WIKA

– Mr. Russel Renz Garcia

Convention of Philippine Baptist Churches

At nang malapit na ang ikatlo ng hapon, sumigaw si Jesus nang napakalakas, na sinasabi, “Eli, Eli, lama sabacthani?” na ang ibig sabihin ay “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Mateo 27:46)

Isang palaisipan kung ano ang ibig sabihin ng mga wika ni Jesus sa Mateo 27:46. Sa isang pagbasa ay aakalain natin na siya ay mayroong pagdududa sa Diyos. Ngunit ang lahat ng ito ay naaayon sa balangkas ng Panginoon: na si Jesus ang daranas ng paghihirap upang maisalba ang lahat mula sa paghuhukom ng ating mga kasalanan. Hindi naging madali ang pagliligtas ni Jesus sa sangkatauhan.

Ating mapapansin na sumigaw si Jesus nang napakalakas; katunayan na sadyang ninais Niya ang pagpapahayag tungkol sa Kanyang dinaranas. Ito ay hindi para pagdudahan ng mga makakarinig ang kapangyarihan ng Diyos; sa halip, kagustuhan Niyang maitala ang pangyayaring ito para ipaalam kung gaano kapait ang bunga ng pagkakasala ng mundo.

Bakit nga ba pinabayaan ng Diyos ang kanyang anak?

Nakasaad sa Mateo 1:21 na si Jesus ang magliligtas sa sangkatauhan mula sa ating mga kasalanan. Ang katuparan nito ay ang pag-aalay Niya ng Kanyang buhay. At upang matugunan ang layuning iligtas ang mga magtitiwala sa Kanya, kailangang isantabi ng Diyos ang kanyang pagkabahala at talikuran si Jesus sa Kanyang pagdurusa.

Ang pagpapasakit ni Jesus ay patunay lamang na Siya ay Diyos na nag-anyong tao upang danasin ang paghihirap para mailigtas ang Kanyang minamahal na nilikha. Bilang isang tao ay naramdaman at tinanggap Niya ang sakit at hapdi ng mga sugat sa katawan bunga ng pagtalikod ng Kanyang mga minamahal. Ito ay pagpapahayag ng pagmamahal na walang katumbas. Pagmamahal na pinatunayan ng pag-aalay ng ama sa kanyang anak. Pagmamahal na nagpapatuloy sa pagbibigay ng kapatawaran at bagong buhay na walang hanggan sa sinuman na tatanggap sa Kanya.

Sa kasalukuyan, marami sa atin ang may pagdududa sa Diyos dulot ng mga pangyayaring ating kinakaharap. Maaaring nasambit na rin natin ang wikang “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Subalit ang katotohanan ay patuloy na nagsasabing ang Panginoon ay palagi nating kasama; sa hangin ng nagpapanatili ng buhay, sa tubig na pumapawi sa uhaw, sa pamilyang nagbibigay kalinga, sa mga kaibigang nagdudulot ng saya, at sa ating mga sariling bukas sa pagbabahagi ng pagmamahal ng Diyos sa mga aba.

Sino ang magtatanggol sa mga lumad na patuloy na isinasantabi ng pamahalaan? Sino ang papawi sa paghihirap ng mga manggagawa, magsasaka at mangingisda? Sino ang magiging kakampi ng mga kabataan at kababaihang biktima ng pang-aabuso?

Tayo kasama ang Diyos! Tayo ang magiging tugon sa panaghoy ng aping lipunan.

IKA-LIMANG HULING WIKA

-Mr. Jonie Ben Marasigan

United Church of Christ in the Philippines

Alam ni Hesus na naganap na ang lahat ng bagay. Kaya’t upang matupad ang kasulatan ay sinabi niya, Nauuhaw ako!” (Juan 19:28)

Pagninilay:

Habang aking ilang ulit na binabasa ang ikalima sa huling pitong wika ng ating Panginoong Hesus, tatlong katanungan ang sumagi sa aking isipan.

“Bakit nauuhaw?” “Sino o ano ang nauuhaw?”

“Ano ang konteksto ng pagkauhaw sa kasalukuyan?”

***

Kung ating babalikan, nagwika ang ating Panginoong Hesus nang pagkauhaw noong Kanyang nabatid na malapit nang matupad ang nasusulat – ang pagkakatubos ng sangkatuhan sa kasalanan kapalit ang Kanyang buhay bilang Tagapagligtas. Pagkarinig noon ay idiniit sa Kanyang bibig ang isang espongha na isinawsaw sa isang maasim na inumin.

Dito ako nagnilay sa aking unang dalawang tanong. Ang pagkauhaw ay nararamdaman ng isang buhay na nilalang; maaaring tao, hayop o halaman. Nangangahulugan na sa mga sandaling iyon, ang ating Panginoong Hesukristo ay namumuhay sa kanyang lupang-katawan. Kung saan ang nararamdaman ng isang tao ay Kanya ring nararamdaman. Naramdaman Niya ang bigat ng krus na Kanyang pasan-pasan, dama rin Niya ang matinding sikat at init ng araw, maging ang sakit buhat sa paghagupit sa Kanya at sa Kanyang pagkakapako.

Sa ganitong diwa, ang pagkauhaw ay Kanyang naramdaman dahil sa pagod, sakit at nalalapit Niyang kamatayan. Ito ay kadalasan ding nararamdaman ng mga tao bago sila sumakabilang-buhay o malagutan ng hininga. Ibig sabihin, upang magkaroon ng katuparan ang nasusulat, pinagdaanan Niya ang mga ito bilang tao na mamamatay na nakapako sa krus. Ito ang kalimitiang nakakalimutan ng nakararami, nabibigyang diin lamang natin ang Kabanalan at pagiging Makapangyarihan ng ating Panginoong Hesukristo, ngunit Siya ay naging tao rin – ito ang una sa lahat. Siya ang kaisa-isang nilalang na nagpahayag ng Dakilang Pagmamahal ng ating Diyos.

Sa kasalukuyan, atin ding nakikita at naririnig ang hinaing ng ating Panginoong Hesus – ang Kanyang pagkauhaw sa kalagayan ng ating bayan. Uhaw tayo sa katarungan mula sa sunod-sunod na nagpakitil ng buhay at sa pandarahas upang tayo ay patahimikin sa Dakilang Misyon na ipinagkatiwala sa atin ng ating Panginoon. Uhaw tayo sa pagkakapantay-pantay sapagkat ang mga nasa kapangyarihan ay patuloy na nagpapakayaman, samantalang marami ang nawalan ng hanapbuhay, nahinto sa pag-aaral, inagawan ng tirahan at ikakabuhay, nakulong sa pagtatanggol sa buhay, at pinagkaitan ng mas marami pang karapatan. At lalo’t higit, uhaw tayo sa akmang tugon sa ating pinagdaraanan at sa serbisyong pangkalusugan.

***

Sa kabuuan, isang tanong at hamon ang nais ihatid sa atin ng ikalima sa huling pitong wika ng ating Panginoong Hesus; sa Kanyang pagkauhaw sa kasalukuyan, anong akmang tugon ng sangkatauhan?

Ang kapayapaan at hamon upang makipamuhay ay sumaating lahat!

IKA-ANIM NA WIKA

Mr. Kenley Macabale

Apostolic Catholic Church

 Nang masipsip na ni Hesus ang maasim na alak ang sabi Nya, “Naganap na” (Juan 19:30)

Naganap na ang kalooban ng Diyos para sa sangkatauhan. Naganap na ang lahat ngunit hindi ito ang wakas.

Ang kaligtasan ng tao ay inihain na sa bawat isa ngunit ang tao ay hindi pa nakahanda, hindi pa buo, at hindi pa ganap. Niyakap na ng Diyos ang Kanyang Krus para sa sandaigdigan ngunit ang tao ay hindi pa handang yumakap. Itinuro na ng Diyos ang daan tungo sa Kanya ngunit ang sansinukob ay taliwas pa. Ipinakita na Niya ang Kanyang kapangyarihan ngunit tayo ay nagduda at nag-alinlangan pa. Bumuhos na ang dugo sa Kalbaryo ngunit tayo ay hindi pa handang magbago.

Likas sa bawat isa ang kahinaan na nagiging dahilan ng ating pagkukulang at pagkakasala pero hindi sumuko ang Diyos na gumawa ng hakbang upang maging tulay natin patungo sa Kanya. Anong klaseng pag-ibig mayroon ang Diyos na ito na handang gawin lahat para sa Kanyang mga nilikha?

Sa’ting buhay maraming mahahalagang bagay ang dapat nating gawin bilang anak, bilang kabataan, bilang magulang, at bilang misyonero.

Ngunit kadalasan dahil sa’ting mga kahinaan bilang tao ay hindi natin natatapos ang mga bagay na ating nasimulan lalo’t higit ang mga adhikain at misyon na iniatang sa’ting mga balikat, dahilan na tayo ay nabibigatan, napapagod at nasasaktan.

Titigil na nga lang ba tayo dahil wala nang naniniwala, susuko na ba dahil ito ay mabigat? Tuluyan nalang ba tayong mawawalan ng pag-asa? At Nawala na ba ang ating pananampalataya?

Ngunit kaisa natin ang Panginoon dahil una na Siyang dumanas ng ating mga nararanasan. Minsan Niyang winika na dala rin ng labis na hapis, “Ama, kung maari po ay ilayo mo sa akin ang kopang ito…” (Lucas 22:42) ngunit ipinagpatuloy nya parin ang kanyang misyon para sa kaligtasan ng mundo.

Tanda ito ng Kanyang dakilang pag-ibig sa lahat. Maganap din nawa ang kalooban ng Diyos sa’ting buhay na maipaglingkuran ang sarili sa kapwa, magsilbing liwanag sa nadidiliman, magbigay ng pag-asa at lakas sa mga nangungulila, magtanggol sa mga maralita at naapi, tumulong sa mga nangangailangan at higit sa lahat ang magmahal katulad ng ating Lumikha.

Ang pagpapakasakit at pagkamatay ng ating Manunubos sa krus ay hindi dahilan upang matapos na ang kanyang misyon dito sa lupa. Bagkus, ito’y nagpapatuloy sa pamamagitan natin na kanyang mananampalataya. Nawa, tayo’y makiisa sa Kanyang misyon at tumahak sa Kanyang daan sa kalbaryo nang tayo ay makasalo rin sa muling pagkabuhay.

Maganap nawa ito sa ating buhay. Amen.

IKA-PITONG WIKA

Mr. Kej Rodrigo Andres

Student Christian Movement in the Philippines

Sumigaw nang malakas si Jesus, “Ama, sa mga kamay mo’y ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu!” At pagkasabi nito, nalagot ang Kaniyang hininga. (Lucas 23:46)

Bilang pag-alala sa ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas, isa sa mga proyekto ng SCMP ay ang #500 Dasal kung saan nangangalap kami ng mga dasal na sumasalamin sa mga kongkretong kalagayan ng mamamayang Pilipino at sa pagnanais ng ordinaryong Pilipino na akuin ang pananampalatayang makamasa at mapagpalaya.

Matapos ng isang pagkilos nakaraang Marso 20 laban sa pagtaas ng presyo ng krudo, tinanong namin sa mga nakasamang tsuper ng jeep kung ano ang dasal nila. Sabi ni Kuya Rolly, isang tsuper, “Dati, hindi ko iniisip ang pang-araw-araw na ginagastos. Ngayon, halos hindi na makatulog. Sana matapos na ang pandemya…”

Ang mga salita ni Kuya Rolly ang lubos na tumatak sa puso at damdamin ko. Mahirap ang kinakaharap ngayon ng mga manggagawa. Mula Enero, ang presyo ng diesel ay tumaas ?5.70. Kapag tumaas ang presyo ng langis, kasunod nito ang pagtaas ang presyo ng mga bilihin. Hindi pa rin nakaaalpas ang mga maralitang Pilipino at higit pa silang naghihirap dahil sa patuloy na lockdown.

Sa mga manggagawa gaya ni Kuya Rolly, pinakanararamdaman ko si Hesus. Tutal, ipinanganak si Hesus bilang maralita at lumaki bilang manggagawang karpentero. Sa ganitong pagpapasya ng Maykapal ipinakikita niya ang lubos na pagkiling sa mga manggagawa, hindi lamang upang maging isang manggagawa, ngunit upang damdamin ang kanilang mga paghihirap at makiisa sa kanilang pakikibaka, hanggang sa panahon ng pang-uusig at kamatayan.

Ang pitong huling salita ni Hesus ay may tema ng pagsuko. Sa panahong tinatayang 5.8 milyon ang walang trabaho noong 2020, kawalan ng pagnanais ng gobyerno na magbigay muli ng ayuda, sa pagtaas ng bilihin habang walang planong magtaas ng sahod at pabababain pa ang buwis ng mga pinakamayaman, napakadali ninuman na sukuan ang ating sitwasyon. Sa panahong patuloy ang kapalpakan laban Covid, pinabayaan ang pagkalat ng African Swine Flu na nakapinsala sa mga babuyan, at pagtaas ng krudo, hindi makakaila na marami na rin ang sumuko. Marami sa mga manggagawa at maralita ang namatay na rin sa gutom—mga mailap na datos bukod pa sa arawang talaan ng mga namatay buhat ng Covid. Marami ring aktibistang manggagawa at kapuwa nagtataguyod ng mga unyon at karapatan ang pinaslang, gaya ng mga pinaslang na lider noong Marso 7, Bloody Sunday. Sa panahon ngayon, tila susuko na lang tayo kay Duterte at sa sistemang pinaghaharian niya.

Si Kristong manggagawa ay sumuko rin, ngunit hindi sa sistema, kundi sa Diyos. Sa Kaniya Niya ipinagkatiwala ang kaniyang Espiritu. Ang pagsukong ito ay hindi pasibong pagsuko, ngunit pagkilala sa aktibong paggalaw ng Diyos sa kasaysayan ng sangkatauhan at ng ating paglaya. Totoo naman, hindi nahinto ang buhay ni Hesus sa pagkalagot ng Kaniyang hininga. Mayroon pang muling pagkabuhay! At ito ang dapat nating unawain bilang mga Kristiyano. Na hahantong tayo sa tagumpay ng Krus pagkatapos ng Kalbaryo, laban sa kamatayan.

Sa panahon ngayon, malinaw na mayroong mga pangalan ang kamatayan: sina Duterte, Duque, Lorenzana, Año, at mga pwersa ng mga nasa kapagyarihang pumapatay at nagpapahirap. Kaya sa dinaming pinatay at pinapatay, marapatin natin ang kanilang muling pagkabuhay sa Diyos na nagpapagulong ng kasaysayan. Aktibo nating isuko ang sarili sa sama-samang pagkilos ng mamamayan nagpapagulong ng kasaysayan at iparamdam na kasama natin ang Diyos sa patuloy na pagtindig at pagtutol laban sa kasamaan.

Download PDF: Mga Pagninilay