

PANALANGIN SA LINGGO NG PALASPAS
Marso 29, 2026
Benny F. Mendoza
Kinabukasan, nabalitaan ng maraming taong dumalo sa pista na si Jesus ay papunta sa Jerusalem. Kumuha sila ng mga palapa ng palmera, at lumabas sila sa lungsod upang siya’y salubungin. Sila’y sumisigaw, “Purihin ang Diyos…” – JUAN 12:12-13
O, Diyos ng Kapayapaan,
Sa aming pag-alala ng Iyong matagumpay na pagpasok sa Jerusalem, hindi sa pamamagitan ng kapangyarihan, kung hindi ng kababaang loob, kami patuloy na sumasamo sa Iyo.
Sinalubong ka ng mga palaspas at ng Iyak ng pag-asa, subalit Iyong pinili ang daan ng pag-ibig hindi ang karahasan, dakilang awa hindi dominasyon, kapayapaan hindi takot.
Amin pong inilalapit sa Iyo, ang abang kalagayan ng mga lupain sa Gitnang Silangan, na sa kasalukuyan ay binabalot ng patuloy na matinding hinagpis, sigalot, at pagdurusa. Patuloy naming idinadalangin, na matapos na ang Giyera ng Agresyon ng US, ang pagpapatahimik ng mga armas, at ang proteksiyon ng bawat inosenteng buhay.
Turuan po Ninyo — lalo’t higit sila na nasa mga gobyerno at may kapangyarihan —
na harapin ang katarungan at hustisya ng walang pang-aapi o opresyon,
na kumilos nang may karunungan,
piliin ang diyalogo sa halip na pagkawasak,
at ang hustisya na gumagalang sa karapatan ng bawat tao.
Dalangin rin namin lalo sila na mga inosente —
mga pamilya, mga matatanda, mga bata, mga itinaboy
ng giyera, at mga nagluluksa — yakapin po Ninyo sila sa
gitna ng kanilang paghihirap at maging kanilang
kanlungan at lakas.
Tulad ng pagsigaw ng mga tao ng
“Osana, iligtas kami,” sumisigaw rin kami:
Iligtas po Ninyo kami sa siklo ng karahasan.
Iligtas po Ninyo kami sa malamig at matigas na puso.
Iligtas kami tungo sa daan ng kapayapaan.
Nawa ang Iyong mabuting halimbawa —
na maging mga tagapamayapa sa salita at gawa,
tutulan ang pagsasawalang-bahala, at ang patuloy na
pagdadala ng pag-asa sa gitna ng madilim na panahon.
Sa Iyong dakilang awa, O, Diyos, nawa ang kapayapaan ang manaig kung saan ang digmaan at kaguluhan ay nagpapatuloy.
Sa ngalan ni Jesus, Amen.
