Panalangin sa Martes Santo | Panalangin para sa Sambayanang Pinapasan ang Bigat ng Krisis

PANALANGIN SA MARTES SANTO

Marso 31, 2026
Sylwyn Sheen Alba-Salvador

 

“Sapagkat ako’y nagutom at ako’y inyong pinakain; ako’y nauhaw at ako’y inyong pinainom; ako’y naging isang dayuhan at ako’y inyong pinatuloy.” -Mateo 25:35

Ano ang ibig sabihin ng krus sa panahon ng krisis sa ekonomiya?
Sa gitna ng mataas na presyo ng bilihin, gutom na sikmura, at araw-araw na pakikibaka ng mahihirap… ano ang ibig sabihin ng malasakit at katarungan?
Sa panahong ang buhay ng karaniwang mamamayan ay tila isang walang katapusang kalbaryo, saan namin matatagpuan ang Iyong presensya, O Diyos?

Panalangin para sa Sambayanang Pinapasan ang Bigat ng Krisis

O Diyos ng buhay, Ikaw na kumakampi sa mga aba at pinahihirapan, nakikita Mo ang hirap ng Iyong bayan. Ang mga pamilyang hindi na makakain ng sapat, mga tsuper na halos walang maiuwing kita dahil sa taas ng langis, mga manggagawang nagtitiis sa sahod na hindi na nakabubuhay, at mga magsasaka at mangingisdang lubog na sa utang at kahirapan.

Sa bawat pagtaas ng presyo ng langis, sa bawat buwis na lalong nagpapabigat sa mga maralita, at sa bawat tugon ng gobyernong tila hindi nakikinig sa hinaing ng bayan… nararamdaman namin ang bigat ng krus na aming pasan. Ang dapat sana’y tunay na kalinga ng pamahalaan ay nagiging katahimikan sa gitna ng aming mga daing.

O Diyos, sa gitna ng pandaigdigang krisis, itulad Mo kami kay Hesus na hindi nanahimik sa harap ng inhustisya at kawalan ng kapayapaan kundi tumindig para sa katotohanan at katarungan. Turuan Mo kaming makita ang Iyong imahe sa bawat nagugutom, napapabayaan, at inaapi.

Patawarin Mo kami kung naging manhid kami, kung natuto kaming umiwas, at kung natakot kaming manindigan. Bigyan Mo kami ng lakas ng loob na makiisa, magsalita, at kumilos sa mga higit na naaapektuhan ng krisis, para sa isang lipunang may dignidad at katarungan para sa lahat.

At sa mga namumuno sa aming bayan, hipuin Mo ang kanilang mga puso at liwanagan upang ang kapangyarihan ay hindi gawing sandata ng korapsyon at pang-aapi, kundi kasangkapan ng paglilingkod.

Sa pag-alaala namin ng Iyong paghihirap, O Kristo, nakikita namin ang paghihirap ng aming sambayanan. Ngunit naniniwala kami na ang krus ay hindi ang katapusan sapagkat may pag-asa sa muling pagkabuhay.

Ito ang aming dalangin, sa pangalan ni Hesus na nakiisa sa mga nagdurusa. Amen.