Panalangin sa Huwebes Santo | Panalangin ng Paglilingkod sa mga Taong nasa Paghihirap

 

PANALANGIN SA HUWEBES SANTO

Abril 2, 2026
Rev. Jon Dave Angeles
Iglesia Evangelica Metodista En Las Islas Filipinas (IEMELIF)

 

At sinabi niya sa kanilang lahat, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil ang kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin.” (Lucas 9:23)

Bilang mga mananampalataya, paano tayo makapaglilingkod sa ating kapwa sa panahon ng kahirapan at pang-uusig?

Sa araw ng Huwebes Santo, ano ang kahulugan ng paglilingkod na nakalapat sa pagsunod kay Hesus?

Panalangin ng Paglilingkod sa mga Taong nasa Paghihirap

Aming Diyos ng mga aba at nagdarahop, kami ay dumudulog sa Iyo sa panahong ito ng kakapusan at paghihirap. Kami’y lingapin Mo higit ang aming mga kapatid na umaasa sa arawang kita at iba’t ibang diskarte upang mabuhay. Inilalapit namin sa Iyo ang mga kapatid naming mga tsuper na sa panahong ito ay patuloy na naghihirap sa taas ng presyo ng krudo — hindi lamang dahil sa labanan sa Gitnang Silangan kundi ang pananamantala ng mga pribadong korporasyon ng langis na siyang higit na nagkakapera habang ang iba ay nagdarahop.
Ipinapanalangin din po namin sa Iyo ang aming mga manggagawa at mga pamilyang lubos na apektado ng pagtaas ng bilihin bunsod ng tumataas na presyo ng langis — sila na naghahanapbuhay ng patas hindi upang magpayaman, kundi upang may makain sa araw araw.

Panalangin naming aming Diyos na katulad ng halimbawa ng Inyong paglilingkod, pagpapakumbaba, at pagpapakasakit, tulungan Niyo nawa kami na maging katulad mo na nag-alay ng buhay para sa iba. Kasangkapanin Ninyo kami na maabot ang mga taong nasa laylayan ng lipunan na namamanglaw sa kadiliman at kasakiman ng mundong ito.

Kami na Inyong mga anak ay tulutan Ninyong magpasan ng aming krus sa semana santang ito —krus ng paghihirap at pagpapakasakit upang kahit papaano’y maibsan ang nararanasang dagok ng aming mga kapatid.

Sa Iyo po naming ipinagkakatiwala ang aming pagsamo at panaghoy.

Sa tanging pangalan ng aming Panginoong Hesus na aming Manunubos at Tagapagligtas, Amen.