Pahayag ng NCCP hinggil sa Tacloban school shooting
Lubos na nakikiramay ang Sangguniang Pambansa ng mga Simbahan sa Pilipinas (National Council of Churches in the Philippines (NCCP)) sa mga mahal sa buhay na naiwan ng tatlong mag-aaral na nasawi sa naganap na pamamaril sa isang pampublikong paaralan sa lungsod ng Tacloban, sa probinsya ng Leyte, na naiulat nitong nakaraang Lunes, Hunyo 22. Mariin naming kinokondena ang karahasang kumitil sa mga murang edad na nagdulot ng matinding trauma at lubos na pagkabahala ng komunidad sa nasabing paaralan.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nangyari ang pamamaril sa ganap na ika-9 ng umaga sa loob ng San Jose National High School na agad namang naiulat sa mga awtoridad. Bukod sa tatlong estudyanteng nasawi, mahigit pitong katao pa ang naiulat na sugatan na kasalukuyang nagpapagamot. Taimtim naming dalangin ang kanilang paggaling at paghilom.
Bunsod ng pananampalataya, ang NCCP ay nagsusulong ng pagbubuo ng mga matatag at ligtas na pamayanan kung saan ang mga bata ay namumuhay nang may dignidad at malayo sa anumang porma ng diskriminasyon, karahasan, at panganib. Isinusulong din namin ang higit na pagkilala sa karapatan ng mga bata.
Ang paaralan ang itinuturing na pangalawang tahanan ng mga kabataan sapagkat dito nalilinang ang kanilang mga kakayahan, nahuhubog ang kaalaman, at umuunlad ang karanasan. Ngunit dahil sa nasabing insidente, masasabi ba nating ligtas pa rin ang mga paaralan na siyang pansamantalang kanlungan ng mga kabataan habang sila ay wala sa piling ng kanilang mga pamilya?
Ganunpaman, kami ay nababahala na ginagamit ang sitwasyong ito ng ilang grupo at mambabatas upang muling isulong ang bill na dati nang tinutulan ng marami – ang pagpapababa ng Minimum Age of Criminal Responsibility.
Para sa Konseho, hindi sagot ang parusa sa mga children in conflict with the law (CICL), ngunit isang maayos na interbensyon upang sila ay magabayan tungo sa katwiran at maging responsableng bahagi ng kanilang pamayanan at lipunan. Hindi sana maging agarang tugon sa bawat pagkakamali ng mga bata ang pagpaparusa. Mahalagang maunawaan na ang kanilang mga asal, gawi, at kilos ay maaaring salamin ng kultura at kapaligirang kinalakhan na hinubog ng mga nakatatanda.
Sa kabilang banda, hindi ibig sabihin na mawawalan na ng pananagutan ang mga sangkot sa nasabing insidente, ngunit higit ang panawagan ng NCCP para sa isang mas makabuluhang imbestigasyon. Kailangang mapanagot ang mga nagmamay-ari ng mga baril na ginamit. Kailangan ding malaman paano ito napunta sa kamay ng mga batang sinabing namaril sa paaralan.
Mahalaga rin na ang mga opisyal at awtoridad ng pamahalaan ay maging tunay na huwaran sa paningin ng mga bata: Maging mga pinunong tapat na naglilingkod sa bayan, at tunay na inuuna ang kapakanan ng mamamayan at hindi ang pansariling interes.
Higit sa lahat, ang insidenteng ito ay isang imbitasyon sa mga simbahan at sa publiko upang tingnan ang kalagayan ng mga kabataan sa lipunan. Naniniwala kami na ang mga batang nakagagawa ng karahasan ay lumaki sa marahas at walang pagmamahal na kapaligiran.
Kaya naman, ang Sangguniang Pambansa ng mga Simbahan sa Pilipinas ay ipinanawagan ang mga sumusunod:
- Buksan ang mga usapin ng kalagayan ng mga kabataan sa mga simbahan, at bigyang diin ang kahalagahan ng children’s ministry;
- Bumuo ng mga pamayanang may kapayapaan at dignidad para sa mga bata at magsulong ng edukasyon patungkol sa kanilang mga karapatan; at
- Makibahagi sa kalakhang panawagan para sa tunay na pananagutan sa ating pamahalaan. Kaakibat nito ang ating araw-araw na pagpapamalas ng mabuting halimbawang tutularan ng mga bata, sapagkat sinasabi sa Mga Kawikaan 22:6 na: “Ituro sa bata ang daang dapat niyang sundan, at kahit sa kanyang pagtanda ay hindi niya ito kalilimutan.” #
Nilagdaan at iginawad ngayong araw na ito, ika-29 ng Hunyo, 2026.
The Most Rev. Brent Harry W. Alawas
NCCP Chairperson
Bishop Joseph G. Agpaoa
NCCP Vice Chairperson for Men
Ms. Jennifer Ferariza-Meneses
NCCP Vice-Chairperson for Women
Rev. Jon Dave A. Angeles
NCCP Vice Chairperson for Youth
Rev. Leonardo R. Morada
NCCP Corporate Treasurer
Ms. Minnie Anne M. Calub
NCCP General Secretary
