



PANALANGIN SA SABADO DE GLORIA
Abril 4, 2026
Predikador Aleissa Lhauren Ayeras
Iglesia Unida Ekyumenikal
Panaghoy at Pagninilay sa Paggunita ng Pitong Wika ni Hesus
Panginoong Hesukristo,
sa katahimikan ng Sabado de Gloria, nananatili sa aming puso ang bigat ng paggunita kahapon sa Iyong Pitong Wika. Hanggang ngayon ay umaalingawngaw pa rin sa aming isip ang bawat salitang binitiwan Mo mula sa krus—mga salitang puno ng sakit, pag-ibig, dalamhati, at ganap na pag-aalay ng sarili.
Sa pagsasalamin namin sa aming buhay at sa mga nangyari sa Iyo noon, hindi namin mawari ang lalim ng Iyong pinagdaanan. Ikaw na walang kasalanan, Ikaw na naglingkod nang buong puso, Ikaw na yumakap sa mga dukha, maysakit, at mga tunay na nangangailangan—Ikaw pa ang nasaktan, Ikaw pa ang pinahirapan, Ikaw pa ang inialay.
Hindi namin lubos maunawaan, Panginoon, kung paano Mo kinaya ang lahat ng hirap, pait, at pagdurusa. Ngunit sa bawat wika Mong binitiwan, dama namin ang tibok ng Iyong pusong nagmamahal—kahit sa gitna ng sugat, kahit sa gitna ng pagtalikod ng marami, kahit sa harap ng kamatayan.
Sa bawat wika Mo, narinig namin ang panaghoy ng isang pusong nasasaktan, ang katahimikan ng isang pusong sugatan, at ang dakilang pag-ibig ng isang Diyos na handang ibigay ang lahat para sa sangkatauhan.
At sa paggunita naming ito, tila ang Iyong mga salita ay sumasalamin din sa buhay ng aming bayan.
Naririnig namin ang panaghoy ng mga tsuper na araw-araw ay nakikipagsapalaran sa lansangan ngunit kapos pa rin ang maiuwing kabuhayan. Naririnig namin ang hinaing ng mga manggagawa na sa kabila ng pagod at pagsisikap ay hirap pa ring maitaguyod ang kanilang pamilya.
Naririnig namin ang tahimik na pag-iyak ng mga magulang na nag-aalala kung paano maitatawid ang kanilang pamilya sa gitna ng taas ng bilihin at gasolina.
Panginoon, ang Iyong pagdurusa noon ay tila sumasalamin sa pagdurusa ng marami ngayon.
Sa katahimikan ng Sabado de Gloria, tinuturuan Mo kaming tumigil, magnilay, at damhin ang bigat ng krus na pasan ng bawat isa. Nawa’y sa paggunita ng Iyong Pitong Wika ay matutunan naming makinig sa daing ng kapwa, makiramay sa mga sugatan, at maging daluyan ng Iyong pag-ibig.
Pagpalain Mo ang bawat pamilya, ang bawat tsuper, ang bawat manggagawa, at ang buong sambayanang Pilipino.
Sa gitna ng aming panaghoy, manatili Kang aming pag-asa.
Sa gitna ng aming katahimikan, manatili Kang aming lakas.
Sa gitna ng aming pagluha, manatili Kang aming liwanag.
At habang hinihintay namin ang muling pagsilang ng liwanag ng Pasko ng Pagkabuhay, nawa’y manatili sa aming puso ang mga salitang binitiwan Mo mula sa krus—mga salitang nagbibigay-buhay, pag-asa, at walang hanggang pag-ibig.
Amen.
