Kalugod-lugod sa Diyos: Nakabubuhay na Sahod para sa mga Manggagawa

“Nasusulat din, ‘Ang manggagawa ay nararapat sa kanyang sahod.’” – 1 Timoteo 5:18, FSV

Ang mga manggagawa ay may karapatang tumanggap ng makatarungang sahod—hindi lamang karaniwang sahod, kundi isang nakabubuhay at nagbibigay dangal na sahod, na nakakatitiyak na maitaguyod at maprotektahan ang kanilang pamilya sa isang ligtas at disenteng tahanan. Sa kanilang sipag, tiyaga, at dedikasyon sa paggawa, nalilikha ang mga serbisyo at produkto, kalakal na bumubuhay sa ekonomiya, at nagbibigay kita sa mga negosyo. Ngunit sa kabila ng kanilang mahalagang ambag at papel sa lipunan, nanatiling mahirap ang nakararami. Habang ang mga nasa tuktok ay patuloy na umaani ng malaking tubo at nagpapasasa sa luho, ang mga manggagawa ay nahihirapang makaagapay at nakikipagbuno sa tumataas na presyo ng bilihin. Panahon na kilalalin natin ang kanilang napakahalagang ambag at tunay na halaga sa produksyon sa pamamagitan ng makatarungang at nakakabuhay na sahod.

Itinuturo sa atin ng Banal na Kasulatan na dapat pahalagahan ang mga manggagawa—hindi lamang bilang kasangkapan sa pagkita, kundi bilang mga taong may dignidad at karapat-dapat tratuhin nang may katarungan at paggalang. Sapagkat ang bawat isa sa atin ay tinatawag na gumawa hindi lamang para sa sarili, kundi para sa kapakanan ng nakararami.

Sa kasalukuyan, patuloy nating nararamdaman ang epekto ng agresibong digmaang inilunsad ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran. Dahil dito, sumirit ang presyo ng langis nang halos 150%, kasabay ng pagtaas ng halaga ng mga pangunahing bilihin, samantalang nananatiling mababa at hindi sapat ang sahod ng mga manggagawa. Samantala, ang malalaking negosyo—lalo na ang mga korporasyon sa langis—ay kumikita nang labis-labis, at maging ang pamahalaan ay nakalilikom ng malaking halaga mula sa buwis sa gitna ng krisis na ito.

Ipinagmamalaki ng pamahalaan ang pagbibigay ng subsidyo o “ayuda” sa sektor ng transportasyon bilang solusyon. Subalit ito ay malawakang kinukuwestiyon dahil sa kakulangan nito at dahil sa direktang pag-agos lamang ng pondong ito sa mga kompanya ng langis bilang kabayaran. Higit sanang makabuluhan at komprehensibo kung sususpendehin ang mga buwis sa langis, sapagkat ito’y makapagbibigay ng mas pangmatagalang solusyon at mas malawak na benepisyo sa mamamayan.

Bagama’t binigyan ng agarang kapangyarihan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang tugunan ang krisis, ang kaniyang mga naging hakbang ay hindi tumutugma sa pangangailangan ng mabilis at epektibong aksyon para sa mga Pilipino. Ang malinaw na panawagan ng mamamayan ay ang pagsuspinde sa dobleng buwis sa langis, isang hakbang na magpapagaan sana sa buhay ng mga mamamayan. Ngunit ang kaniyang naging tugon ay ang pagsuspinde lamang ng buwis sa liquefied petroleum gas (LPG), na ilang sektor lamang ang makikinabang. Ang hinihingi ng bayan ay hindi bahagyang solusyon, kundi konkretong hakbang na tunay na makatarungan, inklusibo, at tumutugon sa pangangailangan ng nakararami.

Ang Sangguniang Pambansa ng mga Simbahan sa Pilipinas ay nakikiisa sa panawagang itaas ang sahod ng mga manggagawa na matagal nang nagtitiis sa kahirapan bago pa man sumiklab ang kasalukuyang krisis sa langis. Kasabay nito, mariiing isulong ang makatarungang kompensasyon, at tuluyang ibasura ang Oil Deregulation Law, sapagkat ang batas na ito ay nagsisilbing pag-atras ng pamahalaan sa kanyang tungkuling pangalagaan ang kapakanan ng mamamayan sa pamamagitan ng pagsuko sa pagkontrol o i-regula ang presyo ng langis, at sa halip ay ipinauubaya nito sa mga pribadong kumpanya at sa industriya ng langis.

Higit pa rito, nararapat na tahakin ng pamahalaan ang isang landas na tunay na nakatuon sa kapakanan ng nakakararami—isang landas na nakasandig sa pagsilbi sa mga mamamayan, at hindi nakagapos sa mga neoliberal na polisiya na matagal nang umaayon sa interes ng Estados Unidos. Panahon na upang ituon ang pansin sa konkretong mga hakbangin—mga hakbang na magbibigay ginhawa, katarungan, at tunay na pagbabago sa mga manggagawa at sa sambayanang Pilipino. #

Nilagdaan at iginawad ngayong araw na ito, ika-30 ng Abril, 2026.

The Most Rev. Brent Harry W. Alawas
Chairperson
Bishop Joseph G. Agpaoa
Vice Chairperson for Men
Ms. Jennifer Ferariza-Meneses
Vice-Chairperson for Women
Rev. Jon Dave A. Angeles
Vice Chairperson for Youth
Rev. Leonardo R. Morada
Corporate Treasurer
Ms. Minnie Anne M. Calub
General Secretary